Isang Tagalog na Tula sa Malayang Taludturan

Isang Tulang Malaya

Pinababayaan natin ang ating mga sarili na malugmok sa kasamaan. Kailan natin paliligayahin ang buwan?

bilog na buwan
Nakatanaw lang ang buwan.


Kailan Ngingiti ang Buwan
ni: Avon Adarna

Nakatanaw ang buwan
Sa kawalan
At nagmamasid
Sa palag ng kasamaan
Nitong daigdig,
At napapailing
Sa ilap ng buting nilalang,
Hindi matagpuan
Sa tumpok
Ang mga puting tupa,
Puro sungay ng kambing
Ang nakakapiling
At nakakatalik
Kaya nga napapapikit
Sa hibik
Ang langit!

Nagtapon ng titig
Ang buwan
Sa kawalan,
Hanggang sa walang hanggan
At napaigtad,
Sa nasaksihan,
Pagkat ang mga pag-asa ng bayan
Na kailangan at dapat
Na tugma at sukat
Hayun sa sulok,
At nabubulok!
Hindi makabawi,
Sa pagkalugami
At sa pagsisisi,
Sapagkat nalango
Sa bisyo ay gumon
Na sukat ipagwalang-bahala
Kahapon, bukas at ngayon!

Kailan mangyayari,
Na ang buwan
Ay ngingiti,
Habang tanaw sa gabi,
Ang kapatagan
At kabundukan
Na uhaw sa mabuti?
At kailan mapapawi
Ang lungkot,
Na ayaw kaakbay
Sa igting ng lumbay?
Kailan mapapatango
Ang buwan at magsasabi
Na tunay na mabuti
Ang nilalang
Sapagkat sadyang kawangis
Ng Dakilang Lumalang!

Halakhak lamang sana
Ng buwan
Ang pumailanlang
Sa dilim at lamig
Ng daigdig
Upang pumintig,
Hindi isumpa
Ni Bathala
At pakinggan
Ang bawat dasal
Na umiiral.
At napakainam
Na ang lahat
Ay hindi salat
Sapagkat
Buhay at gumagalaw,
Maligaya't sumasayaw!

Tulang Tagalog sa Malayang Taludturan

0 Post a Comment:

Post a Comment

Sumigaw ka...huwag magpigil! Tula nang tula! Comments from anonymous senders would not be entertained. Thank you.

Pages