Submitted Poem – Karalitaan

Tula Tungkol sa Kahirapan / Mahihirap

karalitaan kahirapan
Karalitaang kung isipi'y krus na mabigat...


Karalitaan
ni: Marvin Ric Mendoza

Sa bukid na tigang ay naroo't nag-iisip
ang isang taong sa hirap lamang nagtitiis.
Kung may katiting na gintong sana'y naisukbit,
ang lungkot na nadama'y sa saya ipagpalit.

Ang kahapo'y binalikang puno ng pangarap,
ang katiwasayan ay nais sanang malasap;
Ngunit dahil doon sa maling hagdan umakyat,
sa halip na riwasa'y sa dalita naharap.

Ang buhay na natamo'y lubhang pinagsisihan,
'pagkat bagabag sa puso'y laging nananahan.
Naisip pa man ding ng langit ay niyurakan
at pilit na pinahalik doon sa putikan.

Ang buhay nga sa mundo ay tunay na baligho,
parang gatas na matamis na naging maanggo.
Ubod-bait man, dalita yaong natatamo,
ubod-tibay pa ngang pisi, dagling napupugto.

Ang dumi sa mundong ngayo'y naglipana,
isipin man at hindi ay Diyos din ang may gawa,
Ang mga magnanakaw at sinungaling pa nga
ay 'di maitatatwang may silbi rin sa madla.

Ang dungis sa mukhang makikita lang sa dukha
ay tunay ngang may silbi at merong nagagawa.
Isipin mo kung wala kang dungis na makikita,
ang mga mariwasa'y tulad sa maralita.

Maraming nagsasabing ang Diyos daw ay maraya
'pagkat nakagapang lamang sila sa dalita
At ang mga katiting na yamang inaruga,
sa isang kisap-mata ay biglang nawawala.

Marami-rami na rin ang pating sa katihan
at babaeng marumi ang dangal at katawan.
Sa pag-ikot ng mundo 'di dapat kalimutan
na ang mga sanhi't dulot niyo'y karalitaan.

Karalitaang kung isipi'y krus na mabigat
ang isang simbolong hadlang sa mga pangarap.
Ang ibang maralita'y sa langit umaakyat
at ang ibang mariwasa ay sa lupa bumabagsak.

Ang langit sa mariwasa'y lubhang mahalaga,
kawangis ay ginto at perlas ng maharlika.
Ang mahirap naman, sa anuma'y kuntento na
basta't mabuhay lang na marangal at masaya.

Karalitaa'y pagsubok sa kaydaming tao,
para sa mayayama'y papasanin ng husto,
Sa mahihirap nama'y pampatatag ng puso
na mula sa kahapo't sa bukas patutungo.

Iba pang tagalog na tula ni Marvin Ric Mendoza:

• Dapit-hapon

2 comments:

  1. ggmitin ko po tong piece na to sa proj namin, thank you po!:)

    ReplyDelete
  2. hiramin ko po itong tula para sa assign namin...tnx in advance po!

    ReplyDelete

Sumigaw ka...huwag magpigil! Tula nang tula! Comments from anonymous senders would not be entertained. Thank you.

Pages