Dalawahang 2 Saknong

Sample of Filipino Poems
(with 12 syllables on every line)

Ang pag-ibig ang dahilan kung bakit umiikot ang mundo.

Daigdig ng Pag-ibig

Sa Iyong Pag-irog
ni: Avon Adarna

Ang mga kamay mo’y pampawi ng lungkot,
Kiliti ng haplos sa diwang malikot,
Kapag nababagha’t ibig makalimot,
Ang mga kamay mo ang siya kong gamot.

Itong tsokolate na ubod ng tamis
Matamis na gaya ng mukha mo’t kutis,
Tunay na hindi ko matitiis-tiis,
Haplusin ang nasa’t laging ninanais!

Ligaya
ni: Avon Adarna

Ibig kong humiga sa iyong kandungan,
Na gaya ng paslit na wala pang muwang,
Aliwin mo ako at iyong awitan,
O kaya’y tulaan ng iyong sambitan.

Ang lungkot ng puso sa dilim ng gabi,
Tumulong mga luha at saka pighati,
Nawawalang bula sa panahong maiksi,
Kapag kasama ka at niluluwalhati!

-mga tagalog na tula

Kahulugan ng mga Salita:

niluluwalhati – sinasamba, nililiyag, nililigawan
kaluwalhatian – langit, glorya, walang hanggang kaligayahan
luwalhati – kasiyahan, kagalakang ganap

Halimbawa:
Sa aking panalangin, niluluwalhati ko ang Diyos Ama, ang Diyos Anak at ang Espiritu Santo.
Nakikita niya ang luwalhati ng kaniyang buhay kapag dumadalaw ang mga apo.
Nagkakaroon ako ng kaluwalhatian kapag gumagawa ng tula.

muwang- malay, kaisipan, diwa, karanasan, kaalaman. Natural lamang na kung lalagyan ng “wala” sa unahan, magiging kabaliktaran ang kahulugan.

Halimbawa:
Walang muwang sa mundo ang napangasawa ni Estella.
Nagkamuwang na lamang ako sa trabaho dahil sa matiyagang pagtuturo ng aking boss.

Ang ibig sabihin, bata pa ang napangasawa ni Estella at wala pang masyadong karanasan o kaalaman tungkol sa buhay may-asawa.

Maligayang pagtula! -avon adarna

0 Post a Comment:

Post a Comment

Sumigaw ka...huwag magpigil! Tula nang tula! Comments from anonymous senders would not be entertained. Thank you.

Pages