Ang tunay na pag-ibig ay... |
Kailan Nagiging Dakila
ni: Avon Adarna
"Kailan nagiging dakila
Ang isang pag-ibig?"
Kung mahigpit ba ang kapit
Sa sinisinta’y mahigpit,
At bawat galaw ng liyag
Ay may bantay na katapat?
Kung nagseselos kahit sa kaibigan
Na wala namang kasalanan,
Ang nais ay lakwatsa lamang
At sinehang may halakhakan?
Kung pati ang suot na palda,
Ay pinapansin sa tuwina,
Ang nais ay mahabang-mahaba,
Na tulad ni Maria Clara?
Kung pati haba ng buhok
Ay idinidikta’t iniuutos
Na sa wari’y may gapos
Na hindi matapos-tapos?
Ganyan ba ang dakilang pag-ibig,
Malakas ang kunyapit,
Walang pagsalang mahigpit
Sa kilos at pananamit?
Kailan nagiging dakila ang pag-ibig?
Kung hindi makahulagpos sa sakit?
Kung hindi makagalaw kahit ang dibdib?
Kung hindi makakilos pati na ang isip?
- mga tagalog na tula
Kahulugan ng mga Salita:
*kunyapit – mahigpit na kapit sa isang bagay
Halimbawa sa Pangungusap:
Matindi ang kunyapit ni Petra sa sanga ng punungkahoy upang hindi siya mahulog.
*makahulagpos – makakawala mula sa pagkakagapos, makaalis sa anumang ipit na sitwasyon gaya ng kahirapan, sakuna o pagkakakulong
Halimbawa sa Pangungusap:
Hindi makahulagpos ang aso mula sa tali sa kanyang leeg.
Ang tula ay bigla na lamang humulagpos mula sa kaibuturan ng kanyang umiiyak na puso.
Related Filipino Poems:
Sugat ng Lasing - Tula Tungkol sa Sarili
0 Post a Comment:
Post a Comment
Sumigaw ka...huwag magpigil! Tula nang tula! Comments from anonymous senders would not be entertained. Thank you.