Tula Tungkol sa Pagkasira ng Kalikasan

Halimbawa ng Akda na Tungkol sa Kalikasan 
"Masakit tanggapin ang katotohanan, ang tao ang siyang sumisira sa kalikasan. Ang tagalog na tula ay tumutukoy sa kung sino ang tunay na sakit (kasalanan) ng ating lipunan at tunay na sanhi ng mga problemang kaakibat ng ating kalikasan. Kung patuloy na ito’y lalala, maaaring mahihirapan na tayong gamutin ang sakit na ito."
ilog na maraming basura
Kawawang Kalikasan
Ang Tunay na Sakit
ni: Avon Adarna

I
Nakipagtagisan ang araw sa ulan,
Hindi patatalo sa luksong labanan,
Ang buwan at tala’y nanonood lamang
Sa dugong nanatak sa lupa ng bayan.

II
“Ang iyong panahon, lumipas na Araw!”,
Ang sabi ni Ulan at saka inagaw
Ang koronang tangan ng Haring papanaw
Tila basang sisiw – malat kung sumigaw.

III
“May araw ka rin, O Ulang tikatik...”,
Ang sabi ni Araw na ngiwi ang bibig,
Pinilit ginamot ang unday ng pait,
Upang makabawi sa lugmok na sakit.

IV
At habang patuloy ang pakikilaban,
Nitong Haring Araw sa buhos ni Ulan,
Naghihingalo na’ng mga mamamayan,
Sa mundong ang kulay - bahang kapatagan!

V
Sa lagkit ng putik, lugmok ang katawan,
At ngayo’y ragasa sa sandaigdigan
At pilit tatabon sa tinig ng bayan
Na minsang nagsabi na sana’y umulan!

VI
Sa nagdagsang dumi sa ilog at dagat,
Hindi ba nangakong babalik sa s’yudad?
Sa nagtayong bahay sa esterong tambak,
Hindi ba sumumpa s’ya ninyong katapat?

VII
Sa gitna ng laban ng lamig at init,
Ngumiti si Buwan at Talang marikit,
Sabay na nagsabing “Lahat ng hinagpis”,
“Tao ang maysala, ang tunay na sakit!”

---mgatagalognatulasapilipinas2012

Kahulugan ng mga Salitang Malalalim:

1. lugmok – lupasay, upong kawawa, hindi kayang tumayo.

Dahil sa angking katindihan ng paglalarawan, ginagamit nang madalas ito sa mga haiku sa tagalog kung saan mas nabibigyan ng kasidhian ang paglalarawan kaysa gumamit ng mas maraming pantig. Tandaan na ang haiku na tula ay limitado lamang sa 5-7-5 na pantig kaya’t kailangan ang mga salitang katulad ng “lugmok” upang mas maipakita ang kalagayan kaysa gamitin ang salitang “nakaupo” o “ nakalupasay” na mas maraming pantig ang konsumo.

Halimbawa:
Kahit lugmok na ang rescuer, pinilit niyang isakay sa balsa ang bata.

2. ragasa – mabilis na daloy

Halimbawa:
Hirap sa paglangoy ang mga tao dahil sa ragasang tubig ng ilog.

3. nanatak – pumatak

Madalas gamitin sa tagalog na tula kung ang tinutukoy ay “luha” – nanatak na luha) Ngunit maaari ring gamitin kung ang bibigyang-larawan ay kaakibat ng dugo o pawis upang mabigyan ng sining ang pagbigkas o pagbabasa nito.

Halimbawa:
Sa hukay ng luha’t dugong nanatak,
Luklukan ng dusa’t may hapis na wasak,
Nananangis ako kay Bathalang ganap,
Na masilayan ko ang anghel na hangad.
---avonadarna Anghel Ko’y Ikaw (2007)

--------------------------------------------

Related Search:
• 12 pantig bawat taludtod
• 4 na taludtod sa bawat saknong
• 7 saknong
• tulang tagalog
• may sukat at tugma
• tagalog na tula tungkol sa kalikasan

Iba pang Tula na Tungkol sa Kalikasan:

Tagalog na Tula sa Malayang Taludturan
Tula na Tungkol sa Kalikasan

Photo Credit: Haiku sa Tagalog

0 Post a Comment:

Post a Comment

Sumigaw ka...huwag magpigil! Tula nang tula! Comments from anonymous senders would not be entertained. Thank you.

Pages