Ang haiku ay paghahatid ng iyong mga kalooban sa labas ng daigdig.
Ang haiku ay kasama mo sa araw-araw. |
5 Halimbawa ng mga Tagalog Haiku
ni: Avon Adarna
HINDI BULAG
Ang puso’t dibdib
Malagkit kung tumitig
Kung umiibig
TAMEME
Lipad sa ulap
Na sa wari’y kaysarap,
Kapag kaharap.
MOVING ON
Luhang natuyo
Ng sinaktang pagsuyo,
Kusang naglaho.
HANGGANG
Madaling-araw,
Gising kang tinatanaw,
Hanggang pumanaw.
KAHIT GISING
Panaginip ka
Kahit na sa umaga,
Ika’y ligaya.
-mga tagalog na tula
Tungkol sa Haiku
Ang haiku ay isang porma ng tula na may sukat 5-7-5 na pantig (syllables) at maaaring may tugma (rhyme)o wala.
Li/pad/ sa /u/lap = 5
Na/ sa/ wa/ri’y /kay/sa/rap, = 7
Ka/pag /ka/ha/rap. = 5
Ang Tagalog haiku ay uri ng tula na naglalayong pumukaw ng ating mga kamalayan upang lubusan nating malaman at makita ang ating kapaligiran. Sa maikling tula na ito, naipakikita ng makata ang isang diwa na gumagawa ng tulay upang marating ang mga nagbabasa at maihatid ang wika ng kanyang puso.
Ito ay nagsimula sa bansang Japan at inampon ng Pilipinas upang maging bahagi ng ating panulaan at kultura. Naglalaman ito ng iba’t ibang kaisipan katulad ng mga diwa ng pag-ibig, panalangin, pangyayari, buhay, tao, hayop o lugar. Sa anu’t anuman, ang tulang haiku ay isang magandang pagbibigay ng halimbawa sa mayaman nating literatura at tradisyon na ang iba ay nag-ugat sa mga bansang sumakop sa atin.
Malapit sa puso ng mga Hapones, ang haiku ay tulang malapit rin sa puso nating mga Filipino sapagkat ito ay nag-uugat din sa mundong ating ginagalawan, sa ating mga kalooban at sa ating pag-iral mula pa noong unang panahon.
maaari ko po ba itong gamitin sa module na aking binubuo ngayon?
ReplyDelete