Mga Idyoma sa Tagalog – Unang Bahagi

Mga Halimbawa ng Idyoma sa Tagalog na Ginagamit sa Tula

Idyoma Bilang 1:
nagsusunog ng kilay

nagusunog ng kilay
nagsusunog ng kilay

Literal na kahulugan ng “nagsusunog ng kilay”:
nag-aaral ng mabuti

Pinanggalingan:
Noong panahon na hindi pa uso ang mga de-kuryenteng ilaw tulad ng mga bumbilya at fluorescent lights sa mga tahanan, ang mga tao, partikular na ang mga bata, ay gumagamit lamang ng mga gasera (o kandila at lampara) kapag sila’y nag-aaral o kaya nama’y gagawa ng kanilang mga takdang-aralin. At dahil ang mga gasera, kandila at lamparang ito ay nakapagbibigay lamang ng ilaw sa pamamagitan ng kani-kanilang apoy, dapat na lumapit ng lubos sa gasera ang bata upang mas maliwanag ang tanglaw na kanyang mapakinabangan. Dahil dito, nakikini-kinitang tila nagsusunog ng kilay ang isang bata kung siya’y nag-aaral na malapit sa gasera at anyong nakatungo sa apoy ng ilawan. Dito nagkabuhay ang idyoma na tagalog na nagsusunog ng kilay.

Halimbawa ng paggamit ng idyoma sa pangungusap:
1. Nagsusunog ng kilay ang batang ito sapagkat nais niyang hanguin sa kahirapan ang kanyang pamilya.
2. “Walang kahihinatnan ang iyong kinabukasan!”, sigaw ng kanyang ama. “Bakit hindi mo subukang magsunog ng kilay hanggang ikaw ay bata pa.”

Halimbawa ng paggamit ng idyoma sa Tula:

Ang mga pangarap na nais abutin,
Mahahawakan mo’t kayang sungkitin,
Magsunog ng kilay sa gabing madilim,
At gawin ang lahat ng takdang-aralin.

Katumbas sa English – Idiomatic expression:
“burning the midnight oil”

Photo Credit: http://adoptemedia.multiply.com/journal/item/7/Rodericks-Journey...

Idyoma Bilang 2:
ligaw-tingin

Literal na Kahulugan ng “ligaw-tingin”:
hindi maipahayag ang tunay na damdamin sa nililigawang dalaga, dungo, torpe, hindi nagsasabi ng nasasaloob,

Pinanggalingan:
Sa larangan ng pag-ibig, nararapat lamang na magkaroon ng matimyas na pahayag ng dakilang layunin ang isang baguntao (binata) sa kanyang napupusuang dilag (dalaga). Ito ang estado kung saan nanunuyo (nanliligaw) ang binata sa kanyang naiibigan. At sa takdang panahon na maipahayag na niya ang kanyang saloobin, maaaring magbunga ito ng pagsagot ng OO ng dalaga. Subalit, ang mga binatang hindi maipaabot nang tunay ang kanilang nararamdamang pag-ibig sa nililiyag, matatawag itong “lumiligaw lamang sa pamamagitan ng tingin” o “ligaw-tingin”. Pasulyap-sulyap lamang at hindi makalapit upang maibulalas ang kanyang tunay na pag-ibig sa dalagang nais na makatuluyan.

Halimbawa ng paggamit ng idyoma sa pangungusap:
1. Paano ka makapag-aasawa, hanggang ngayon ay ligaw-tingin lamang ang iyong nalalaman?

Halimbawa ng paggamit ng idyoma sa Tula:

Ang dalagang liyag ng puso mo’t dibdib
Iyong pagtapatan ng luksong pag-ibig,
Hindi makukuha ang oong matamis,
Kung ligaw tingin lang ang ‘yong ihahatid!

Katumbas sa English – Idiomatic expression:
cannot spit it out

Kung naghahanap ng iba pang Tagalog na idyoma / idioma, Filipino Idiomatic expressions o sawikaing Tagalog, bisitahin ang iba pang pahina: Listahan ng Idyoma.

0 Post a Comment:

Post a Comment

Sumigaw ka...huwag magpigil! Tula nang tula! Comments from anonymous senders would not be entertained. Thank you.

Pages