ISANG TULA SA TAGALOG

NASAAN KA O HARING ANTOK?

Kung nakatutunaw ang titig at tingin,
Natunaw na sana itong puting dingding,
Kung nakapupunit, lagkit ng paningin,
Ang kisameng ito'y punit-punit na rin!

Ang tangi kong tanong sa puso't isipan,
Kailan darating pilak mong kariktan?
Tigib ng pasakit itong katauhan,
Uhaw sa piling mo pati kapalaran!

Nakikiramay pa, nakikisiphayo,
Panahon sa labas, sa pusod ng mundo,
Ang ugong ng ulan ay nakikipaglaro,
Sa kulog at kidlat na 'di nagbibiro!

Ako'y nananangis kay Bathalang ganap
Na masilayan na ang anghel na hangad,
Ako'y inalipin ng kahabag-habag,
Ang ukab ng talim, dito nakalagmak!

Bakit nagkakait abang kapalaran,
Dugo't mga luha laging nakaabang,
Ang paghihintay ko'y ibig nang sukuan,
Alindog mo't pala ay di matagpuan!

Saan ka nagpunta Hari kong antok?
Hindi mo ba ibig na ako ay itampok?
Hindi mo dalawin ang abang napapagod?
Hindi tuloy ako makaamot ng tulog!

1 Post a Comment:

Post a Comment

Sumigaw ka...huwag magpigil! Tula nang tula!

Mga Munting Kaisipan

Kahit walang palya sa Ama Namin,
Hindi madadaan sa mga panalangin,
Kung hindi naman gumagawa ng magaling,
Mauuwi sa wala't wala pa rin!
---avonadarna

Diyos ang Sandigan

Huwag guhitan ng tandang pananong,
Kapag kinuwitan nitong Panginoon,
Mabuting tuldukan, gawan ng solusyon
At tandang padamdam kapag bumabangon!
---avonadarna

Maraming Salamat!

maraming salamat sa mga nag-iiwan
ng kumento, pagbati at mga kagustuhan,
lubos ang aking sigla't kasiyahan,
kayo ang TULA ko’t aking kagalakan!
---avonadarna

  © Mga Tagalog na Tula sa Pilipinas The Professional Template by Ourblogtemplates.com 2009

Back to TOP