Tula Para kay Tatay

Halimbawa ng Tulang Tagalog para kay Tatay

Malaki ang utang na loob natin sa ating mga ama!


Ang Tatay Ko
ni: Avon Adarna

Malakas ang hilik kapag natutulog,
Na parang may g’yera at bombang sumabog,
Kapag umiinom ng kapeng hinigop,
Tiyak na kasabay ang lakas na tunog.

Sa kanyang salita’y nag-iibang titik,
Ang “evap” na gatas ay “ebaf” ang dinig,
Ang wikang “trabaho” kung itulak-ikabig,
“Tarbaho” ang siyang lalabas sa bibig!

Ngunit sa hinagap ng tuwid na diwa,
Ay mababanaag na siya’y dakila,
Kapag may sisibat o kaya ay tudla,
Tiyak na haharang upang masagip ka!

Nagtitiis siya na hindi kumain,
Kapag ang anak ay may bibilhin,
At sakripisyo rin - sa bisyo ay bitin,
Upang ang pamilya ay may pangkain!

Kahit na ano pa sa daigdig na ito,
Walang pasubaling ako ay saludo,
Pinagsumikapang maigapang ako
Nang kinabukasan ay maging plantsado!

-mga tagalog na tula

Maligayang Araw ng mga Ama!

8 comments:

Sumigaw ka...huwag magpigil! Tula nang tula! Comments from anonymous senders would not be entertained. Thank you.

Followers

Mabuhay! Welcome to "Mga Tagalog na Tula sa Pilipinas | Filipino Poems in the Philippines! Here in this blog, you will find a collection of original tagalog poems. Please, feel free to browse at our archive. Thank you! -avonadarna

Blog Archive