Buwan ng Wikang Pambansa Image from: Knowledge Channel Facebook Page |
ni: Avon Adarna
Ang wika ay apoy – nagbibigay-init,
Sa sanggol na hulog ng anghel sa langit,
Ang inang kumalong at siglang umawit,
Wikang Filipino ang siyang ginamit.
Ang wika ay tubig - na nagpapaputi,
Ng pusong may sala at bahid ng dumi,
Manalangin lamang at saka magsisi,
At patatawarin ng Poong mabuti!
Ang wika ay hangin – siyang bumubuhay,
Sa patid na hinga ng kulturang patay,
Ito’y nagbibigay ng siglang mahusay,
Sa mga tradisyon at pagtatagumpay.
Ang wika ay bato - na siyang tuntungan,
Nitong mga paa ng mahal na bayan,
Wika ay sandigan nitong kasarinlan,
Sa bundok o burol, maging kapatagan.
May alab ng apoy at lakas ng bato,
At kinang ng tubig na wari ay ginto,
Wikang Filipino’y matatag na hukbo
Na lakas ng iyong pagka-Filipino!
-mga tagalog na tula
Kahulugan ng mga Salita:
kasarinlan – kalayaan, independensiya, pagsasarili, kakaniyahan, kakayahang mag-isa. Kadalasang ginagamit sa estado ng isang bansa na nasakop ng ibang bansa katulad ng Pilipinas.
Halimbawa:
• Tunay nga bang natamo na ng ating bansa ang kasarinlan mula sa mga mananakop?
• Ang tagalog na tula na kanyang ginawa ay bunga lamang ng kasarinlan ng kanyang isip at damdamin laban sa kanyang mga magulang.
• Dalisay ang kasarinlan ng ating wika kung ito ay hindi nangangailangan ng hiram na salita.
Iba pang Tula tungkol sa Wikang Filipino:
• Palakasin Mo - Tatag ng Wikang Filipino, Lakas ng Pagka-Pilipino
• Ano Ito? - Ang Filipino ay Wikang Panlahat, Ilaw at Lakas sa Tuwid na Landas
• Ang Teknolohiya at ang Wikang Filipino