Isang Tagalog na Tula sa Malayang Taludturan

Isang Tulang Malaya

Pinababayaan natin ang ating mga sarili na malugmok sa kasamaan. Kailan natin paliligayahin ang buwan?

bilog na buwan
Nakatanaw lang ang buwan.


Kailan Ngingiti ang Buwan
ni: Avon Adarna

Nakatanaw ang buwan
Sa kawalan
At nagmamasid
Sa palag ng kasamaan
Nitong daigdig,
At napapailing
Sa ilap ng buting nilalang,
Hindi matagpuan
Sa tumpok
Ang mga puting tupa,
Puro sungay ng kambing
Ang nakakapiling
At nakakatalik
Kaya nga napapapikit
Sa hibik
Ang langit!

Nagtapon ng titig
Ang buwan
Sa kawalan,
Hanggang sa walang hanggan
At napaigtad,
Sa nasaksihan,
Pagkat ang mga pag-asa ng bayan
Na kailangan at dapat
Na tugma at sukat
Hayun sa sulok,
At nabubulok!
Hindi makabawi,
Sa pagkalugami
At sa pagsisisi,
Sapagkat nalango
Sa bisyo ay gumon
Na sukat ipagwalang-bahala
Kahapon, bukas at ngayon!

Kailan mangyayari,
Na ang buwan
Ay ngingiti,
Habang tanaw sa gabi,
Ang kapatagan
At kabundukan
Na uhaw sa mabuti?
At kailan mapapawi
Ang lungkot,
Na ayaw kaakbay
Sa igting ng lumbay?
Kailan mapapatango
Ang buwan at magsasabi
Na tunay na mabuti
Ang nilalang
Sapagkat sadyang kawangis
Ng Dakilang Lumalang!

Halakhak lamang sana
Ng buwan
Ang pumailanlang
Sa dilim at lamig
Ng daigdig
Upang pumintig,
Hindi isumpa
Ni Bathala
At pakinggan
Ang bawat dasal
Na umiiral.
At napakainam
Na ang lahat
Ay hindi salat
Sapagkat
Buhay at gumagalaw,
Maligaya't sumasayaw!

Tulang Tagalog sa Malayang Taludturan
Magpatuloy →

Example of Tagalog Poem

Sample of Filipino Poem

Sino ang may kasalanan?

kissable lips
Regalo

Regalo
ni: Avon Adarna

Ang pokpok sa Cubao,
Wala pang mens nang ibugaw,
Nagpadausdos muna
Ng mamahaling pataranta,
Sa butas-butas na bituka,
Upang makabuwelo,
Sa nakangusong impiyerno.

Isang meyor ang parukyano,
Hudas na halik ang regalo.

Ang kawawang bata,
Pinahiga sa kama
Ilang ulit nagpasasa,
Ang halay at pagnanasa.

Nabilaukan,
Nahirinan,
Namuwalan,
Itong lalamunan.

Pinasok ang bataan,
Kulang ang pwersang nakalaan,
Walang nagawa, wala…
Kundi yakapin ang luha!


Hating-gabi na
Nang makipagkita siya
Sa may sungay at buntot
Na walang hininga!


Dusang hagupit
Ang tanging lumapit,
Wala bang kapit
Sa itaas ng langit?

Kinabukasan,
Sa diyaryo na nalaman,
Ng pamilya’t kaibigan,
Ang sinapit na kapalaran
Ng kawawang nilalang!

Maski mga pulis
na matutulis
at naka-uniporme
Ay hindi nakadiskarte,
Namantikaan na kasi
Ng letsong kawali!

Walanghiyang kamag-anak,
Hayop na talamak,
Baryang suhol ay tinanggap
Areglo ang kasangkap.

Inilibing ang kawawa,
Inihimlay na sa lupa,
Lumapit ang bulate.
              (Ang kawawang bata)
Kahit sa kabilang buhay ay api!

Nasaan ang katarungan?
Nasaan ang kaliwanagan?
Nasaan ang pangako
Ng nakakurbata’t tsaleko?

Ang pokpok
Pinili ang buhay na magapok
Pero kung may ibang luklok
Sasapitin ba’ng matupok?

Tsk… tsk… tsk…

Alipin pa rin sa sariling bayan.
At kahit saan:
Kahit doon sa libingan
Kahit doon sa kawalan!

-mga tagalog na tula 
Magpatuloy →

Submitted Poem - Tula Tungkol sa Buwan ng Wika

Mahalaga ang Wikang Filipino

Ang Wikang Filipino ay punyal na ubod ng talim.

WIKANG FILIPINO
ni Marvin Ric Mendoza

Ito ay punyal na ubod ng talim
Punyal na kumikinang sa gabing madilim
Ang puluhan nito ay utak na magaling
At ang talas nito’y kakaiba kung limiin.

Sa nakaraa’t sa ngayo’y patuloy na hinahasa
Na ang gamit ay kaydaming mga dila
Ang punyal na kaytagal nang ginawang pananda
Ay may bakas na rin ng kalawang at dagta.

Ang punyal na ito ay ang wikang Filipino
Na patuloy na umuunlad sa pag-ikot ng mundo
Ang kapara nito’y matigas na bato
Na ‘pag di ipukol ay di malaman kung ano.

Mula sa isang bibig ay kumalat nang kumalat
Mangyari’y dala-dala ng bapor na laging naglalayag
Ang wikang Filipino’y katulad ng kamandag ng ahas
Na sa isang sarili ay nagpapalakas.

Ang wika sa malayo ay kakaiba sa narito
Iba ang sa kanya, iba rin ang sa iyo
At dahil tayo ay kapwa Pilipino
Yakapin natin ang wikang Filipino.

Ang wikang Filipino ay ilaw ng Pilipinas
Liwanag sa pagtahak sa tuwid na landas
Gamitin natin at gawing lakas
At gawin ding pananggol sa darating na bukas.

Madaling magkaisa kung may pagkakaunawaan
Madaling makakita kung may liwanag na natatanaw
Medaling mananggol kung may lakas na taglay.
Sa lahat ng ito’y wikang Filipino ang daan.

Sa bukas na darating ay ating mamamalas
Ang dating ilaw ngunit bago nang landas
Maaaring paabante, maaaring paatras
Maaaring pababa, maaaring pataas.

Ang wikang Filipino’y magsisilbing gabay
Sa kayraming taong sa Pilipinas namamahay..
Sa tuwid na landas ay walang mawawalay
Kung tayo’y hawak-kamay sa pag-abot sa tagumpay…

(ang tulang ito ay sarili kong katha na aking iniaalay sa pagdiriwang ng Buwan ng Wika)
Magpatuloy →

Submitted Poem – Karalitaan

Tula Tungkol sa Kahirapan / Mahihirap

karalitaan kahirapan
Karalitaang kung isipi'y krus na mabigat...


Karalitaan
ni: Marvin Ric Mendoza

Sa bukid na tigang ay naroo't nag-iisip
ang isang taong sa hirap lamang nagtitiis.
Kung may katiting na gintong sana'y naisukbit,
ang lungkot na nadama'y sa saya ipagpalit.

Ang kahapo'y binalikang puno ng pangarap,
ang katiwasayan ay nais sanang malasap;
Ngunit dahil doon sa maling hagdan umakyat,
sa halip na riwasa'y sa dalita naharap.

Ang buhay na natamo'y lubhang pinagsisihan,
'pagkat bagabag sa puso'y laging nananahan.
Naisip pa man ding ng langit ay niyurakan
at pilit na pinahalik doon sa putikan.

Ang buhay nga sa mundo ay tunay na baligho,
parang gatas na matamis na naging maanggo.
Ubod-bait man, dalita yaong natatamo,
ubod-tibay pa ngang pisi, dagling napupugto.

Ang dumi sa mundong ngayo'y naglipana,
isipin man at hindi ay Diyos din ang may gawa,
Ang mga magnanakaw at sinungaling pa nga
ay 'di maitatatwang may silbi rin sa madla.

Ang dungis sa mukhang makikita lang sa dukha
ay tunay ngang may silbi at merong nagagawa.
Isipin mo kung wala kang dungis na makikita,
ang mga mariwasa'y tulad sa maralita.

Maraming nagsasabing ang Diyos daw ay maraya
'pagkat nakagapang lamang sila sa dalita
At ang mga katiting na yamang inaruga,
sa isang kisap-mata ay biglang nawawala.

Marami-rami na rin ang pating sa katihan
at babaeng marumi ang dangal at katawan.
Sa pag-ikot ng mundo 'di dapat kalimutan
na ang mga sanhi't dulot niyo'y karalitaan.

Karalitaang kung isipi'y krus na mabigat
ang isang simbolong hadlang sa mga pangarap.
Ang ibang maralita'y sa langit umaakyat
at ang ibang mariwasa ay sa lupa bumabagsak.

Ang langit sa mariwasa'y lubhang mahalaga,
kawangis ay ginto at perlas ng maharlika.
Ang mahirap naman, sa anuma'y kuntento na
basta't mabuhay lang na marangal at masaya.

Karalitaa'y pagsubok sa kaydaming tao,
para sa mayayama'y papasanin ng husto,
Sa mahihirap nama'y pampatatag ng puso
na mula sa kahapo't sa bukas patutungo.

Iba pang tagalog na tula ni Marvin Ric Mendoza:

• Dapit-hapon
Magpatuloy →

Isang Malayang Taludturan

Tula sa Tuluyan

Dulo Credit: Picture

Dulo
ni: Avon Adarna

Nag-aabang siya sa gilid
ng kiwal na kalsada,
Sa mga sandali ng buhay at pag-asa.
Hinihintay ang uugud-ugod
At ang mga ayaw nang tumugon
Sa pintig at tibok
At ang mga ayaw nang lumuklok
At tila nalimot
O sadyang madamot!

Nakaamba ang karit
Sa mapapapikit,
At siya'y mangangalabit
Isang saglit,
Wala na ang hininga,
Tila nabilaukan ang kaluluwa,
Lumulukso sa tuwa,
Ang lintek na luha -
Lumiligaya.

Alisto ka sa kanan
At kaliwang daraanan,
Mamamalayan na lamang
Na kaydali-dali
(Na kay-ikli-ikli)
Ng paglalakbay
Sa isang pikit-lumbay,
Wala ka nang buhay,
Wala ka nang malay.

Ilakbay sa daigdig
Ang pintig
Ng batas na nakasalig!
Ibaon ang galit
At pagkainggit
Mamuhay ng sapat!
Maging tapat!
Sa lahat!
Upang magluwat!

(Upang magluwat...)
Magpatuloy →

Followers

Mabuhay! Welcome to "Mga Tagalog na Tula sa Pilipinas | Filipino Poems in the Philippines! Here in this blog, you will find a collection of original tagalog poems. Please, feel free to browse at our archive. Thank you! -avonadarna

Blog Archive