Example ng Tulang may Sukat at Tugma

Nalimot na Kultura ng Filipino / Tulang Tagalog

Tunay nga bang nalimutan na ang mga tradisyon at kulturang bahagi ng ating bansa?

Rizal Park Monumento
Rizal Monument
Ipinagpalit Mo
ni: Avon Adarna

Ako si Luneta na ipinagpalit mo,
Doon sa Trinoma sa gitna ng barrio,
Ang aking kariktan at taglay na bango,
Inayawan mo’t nilimot ng husto!

Ako si Taguan sa bilog na buwan,
Na noon ay laging pinaglalaruan
Ngayo’y ibinaon at nakalimutan
Telenovela ang pinahalagahan.

Kami naman itong si PO at OPO,
Na nalimot mo ring sira ang pangako,
Sa wari’y nagbaon sa ilang na dulo,
At wala nang irog na isinasapuso.

Pagmamano akong wala nang halaga,
Sa kamay at noo ng bata’t matanda,
Kung paggalang naman ang bihag na dala,
Wala akong puwang sa puso at diwa.

Tradisyo’t kultura nitong Filipino,
Ay tila kasamang nawala sa uso
Ng literatura ng mga ninuno,
At ipinagpalit mo sa kinang ng bago!

Photo Credit: Wikipilipinas
Magpatuloy →

Tulang Tagalog

Isang Tulang Tagalog Tungkol sa Panahon

Weather-weather lang yan!

El NiƱo sa Pilipinas
Laging Pana-panahon
ni: Avon Adarna

Umuusok ang lupa,
Umaso’t, nagbabaga,
Bumibirit ang liyab,
Muntik na ngang magsilab!

Ang araw’y naglalatang,
Harapan ay buyangyang
Saka nakapamaywang,
Nakanguso't mayabang!

Nag-alsa ang ligamgam,
Bumabangong mainam,
Ang hanap ay kalaban,
Sa mundo ng kawalan…

Isasaboy ang init
At pawis na malagkit
Na tila isang pagkit,
Sa balat - kumakapit!

Tameme lang ang ulan,
Ayaw munang lumaban
Ayaw mabilaukan,
Sa silab na initan…

Hintay muna ng tugma
Maglaro ng gunita
Saka punta sa gitna,
Ilabas na ang handa.

Pagkat talo ang alab,
Kung hindi pa sasalag,
Hintayin na tumalab
Saka na lang pumalag.

Umulan sana bukas…
Panalangin ng pantas
Ganyan nga ang paglutas
Sa pagpapakataas!

Luha ng ulan doon,
Na nagbuhat sa Poon,
Layang gaya ng ibon
Sadyang pana-panahon…

Laging pana-panahon!

Iba pang Tulang Tagalog: 
Mga Tanaga ng mga Filipino
Magpatuloy →

Mga Gintong Kaisipan sa Florante at Laura

Halimbawa ng Tula at Awit

Francisco Balagtas - Ang Ama ng Balagtasan at Tulang Karagatan

Ang Florante at Laura ni Francisco Balagtas ay isang uri ng AWIT
Mga Talata mula sa Florante at Laura ni Francisco Balagtas na Kapupulutan ng Aral

1
Datapwat sino ang tatarok kaya
Sa mahal mong lihim, Diyos na Dakila
Walang mangyayari sa balat ng lupa
Di may kagalingang iyong ninanasa.

2
O, pagsintang labis na makapangyarihan
Sampung mag-aama’y iyong nasasaklaw
Pag ikaw ang nasok sa puso ninuman
Hahamaking lahat masunod ka lamang.

3
At yuyurakan na ang lalong dakila,
Bait katuwira’y ipanganganyaya
Buong katungkula’y wawaling-bahala
Sampu ng hininga’y ipauubaya.

4
Bihirang balita’y magtapat
Kung magkatotoo ma’y marami ang dagdag.

5
At saka madalas ilala ng tapang
Ay ang guniguning takot ng kalaban
Ang isang gererong palaring magdiwang
Mababalita na at pangingilagan.

6
Na kung maliligo’y sa tubig aagap
Nang di abutan ng tabsing sa dagat.

7
Sapagkat ang mundo’y bayan ng hinagpis
Mamamaya’y sukat tibayan ng dibdib
Lumaki sa tuwa’y walang pagtitiis
Anong ilalaban sa dahas ng sakit?

Florante at Laura

Sinipi at hinango mula sa orihinal na akda ng makata na si Francisco Balagtas Baltazar na Florante at Laura.
Magpatuloy →

Tugmaan Tungkol sa Pagsuway sa Batas Trapiko

Sadya bang Matigas ang Ulo ng Mga Filipino?


May Namatay na Dito
ni: Avon Adarna

Maraming namatay at nasagasaan,
Sa daang may birit ng mga sasakyan,
Hindi ba binasa o naunawaan,
Sulat na may sabing 'di naman tawiran?

Sadya bang matigas itong iyong bungo?
Kaya itong batas ay ‘di sinisino,
Huwag naman sanang nagpapakagago,
‘Pagkat hindi ganyan itong Filipino!

Kapag sinabi bang dito mo ilagay,
Sa kabila ang pilit na itutugaygay?
Kapag hinihiling ang dapat na bagay,
Baliktad ang siyang iyong ibibigay?

Gawin nating dakila ang hangaring mat'wid
Huwag nating haluan ng gawa nitong paslit,
Na ang gusto niya'y siyang ipipilit,
At aasahan na tagumpay ay makamit.

Nakapanghihinayang ang mga pangarap,
Na 'di naman yata sadyang matutupad,
Kahit na ang bukas na ibig sumagad,
Mararating ba ng lubos at sukat?

Kaya ang nagbasa nitong karatula,
Siyang nakaligtas sa sagasang sakuna,
Mainam na alam ang dapat na gawa,
Nang hindi matulog nang ‘di humihinga!

Other Filipino Poems:

Malayang Taludturan
Magpatuloy →

Isang Tagalog na Tula sa Malayang Taludturan

Isang Tulang Malaya

Pinababayaan natin ang ating mga sarili na malugmok sa kasamaan. Kailan natin paliligayahin ang buwan?

bilog na buwan
Nakatanaw lang ang buwan.


Kailan Ngingiti ang Buwan
ni: Avon Adarna

Nakatanaw ang buwan
Sa kawalan
At nagmamasid
Sa palag ng kasamaan
Nitong daigdig,
At napapailing
Sa ilap ng buting nilalang,
Hindi matagpuan
Sa tumpok
Ang mga puting tupa,
Puro sungay ng kambing
Ang nakakapiling
At nakakatalik
Kaya nga napapapikit
Sa hibik
Ang langit!

Nagtapon ng titig
Ang buwan
Sa kawalan,
Hanggang sa walang hanggan
At napaigtad,
Sa nasaksihan,
Pagkat ang mga pag-asa ng bayan
Na kailangan at dapat
Na tugma at sukat
Hayun sa sulok,
At nabubulok!
Hindi makabawi,
Sa pagkalugami
At sa pagsisisi,
Sapagkat nalango
Sa bisyo ay gumon
Na sukat ipagwalang-bahala
Kahapon, bukas at ngayon!

Kailan mangyayari,
Na ang buwan
Ay ngingiti,
Habang tanaw sa gabi,
Ang kapatagan
At kabundukan
Na uhaw sa mabuti?
At kailan mapapawi
Ang lungkot,
Na ayaw kaakbay
Sa igting ng lumbay?
Kailan mapapatango
Ang buwan at magsasabi
Na tunay na mabuti
Ang nilalang
Sapagkat sadyang kawangis
Ng Dakilang Lumalang!

Halakhak lamang sana
Ng buwan
Ang pumailanlang
Sa dilim at lamig
Ng daigdig
Upang pumintig,
Hindi isumpa
Ni Bathala
At pakinggan
Ang bawat dasal
Na umiiral.
At napakainam
Na ang lahat
Ay hindi salat
Sapagkat
Buhay at gumagalaw,
Maligaya't sumasayaw!

Tulang Tagalog sa Malayang Taludturan
Magpatuloy →

Example of Tagalog Poem

Sample of Filipino Poem

Sino ang may kasalanan?

kissable lips
Regalo

Regalo
ni: Avon Adarna

Ang pokpok sa Cubao,
Wala pang mens nang ibugaw,
Nagpadausdos muna
Ng mamahaling pataranta,
Sa butas-butas na bituka,
Upang makabuwelo,
Sa nakangusong impiyerno.

Isang meyor ang parukyano,
Hudas na halik ang regalo.

Ang kawawang bata,
Pinahiga sa kama
Ilang ulit nagpasasa,
Ang halay at pagnanasa.

Nabilaukan,
Nahirinan,
Namuwalan,
Itong lalamunan.

Pinasok ang bataan,
Kulang ang pwersang nakalaan,
Walang nagawa, wala…
Kundi yakapin ang luha!


Hating-gabi na
Nang makipagkita siya
Sa may sungay at buntot
Na walang hininga!


Dusang hagupit
Ang tanging lumapit,
Wala bang kapit
Sa itaas ng langit?

Kinabukasan,
Sa diyaryo na nalaman,
Ng pamilya’t kaibigan,
Ang sinapit na kapalaran
Ng kawawang nilalang!

Maski mga pulis
na matutulis
at naka-uniporme
Ay hindi nakadiskarte,
Namantikaan na kasi
Ng letsong kawali!

Walanghiyang kamag-anak,
Hayop na talamak,
Baryang suhol ay tinanggap
Areglo ang kasangkap.

Inilibing ang kawawa,
Inihimlay na sa lupa,
Lumapit ang bulate.
              (Ang kawawang bata)
Kahit sa kabilang buhay ay api!

Nasaan ang katarungan?
Nasaan ang kaliwanagan?
Nasaan ang pangako
Ng nakakurbata’t tsaleko?

Ang pokpok
Pinili ang buhay na magapok
Pero kung may ibang luklok
Sasapitin ba’ng matupok?

Tsk… tsk… tsk…

Alipin pa rin sa sariling bayan.
At kahit saan:
Kahit doon sa libingan
Kahit doon sa kawalan!

-mga tagalog na tula 
Magpatuloy →

Submitted Poem - Tula Tungkol sa Buwan ng Wika

Mahalaga ang Wikang Filipino

Ang Wikang Filipino ay punyal na ubod ng talim.

WIKANG FILIPINO
ni Marvin Ric Mendoza

Ito ay punyal na ubod ng talim
Punyal na kumikinang sa gabing madilim
Ang puluhan nito ay utak na magaling
At ang talas nito’y kakaiba kung limiin.

Sa nakaraa’t sa ngayo’y patuloy na hinahasa
Na ang gamit ay kaydaming mga dila
Ang punyal na kaytagal nang ginawang pananda
Ay may bakas na rin ng kalawang at dagta.

Ang punyal na ito ay ang wikang Filipino
Na patuloy na umuunlad sa pag-ikot ng mundo
Ang kapara nito’y matigas na bato
Na ‘pag di ipukol ay di malaman kung ano.

Mula sa isang bibig ay kumalat nang kumalat
Mangyari’y dala-dala ng bapor na laging naglalayag
Ang wikang Filipino’y katulad ng kamandag ng ahas
Na sa isang sarili ay nagpapalakas.

Ang wika sa malayo ay kakaiba sa narito
Iba ang sa kanya, iba rin ang sa iyo
At dahil tayo ay kapwa Pilipino
Yakapin natin ang wikang Filipino.

Ang wikang Filipino ay ilaw ng Pilipinas
Liwanag sa pagtahak sa tuwid na landas
Gamitin natin at gawing lakas
At gawin ding pananggol sa darating na bukas.

Madaling magkaisa kung may pagkakaunawaan
Madaling makakita kung may liwanag na natatanaw
Medaling mananggol kung may lakas na taglay.
Sa lahat ng ito’y wikang Filipino ang daan.

Sa bukas na darating ay ating mamamalas
Ang dating ilaw ngunit bago nang landas
Maaaring paabante, maaaring paatras
Maaaring pababa, maaaring pataas.

Ang wikang Filipino’y magsisilbing gabay
Sa kayraming taong sa Pilipinas namamahay..
Sa tuwid na landas ay walang mawawalay
Kung tayo’y hawak-kamay sa pag-abot sa tagumpay…

(ang tulang ito ay sarili kong katha na aking iniaalay sa pagdiriwang ng Buwan ng Wika)
Magpatuloy →

Submitted Poem – Karalitaan

Tula Tungkol sa Kahirapan / Mahihirap

karalitaan kahirapan
Karalitaang kung isipi'y krus na mabigat...


Karalitaan
ni: Marvin Ric Mendoza

Sa bukid na tigang ay naroo't nag-iisip
ang isang taong sa hirap lamang nagtitiis.
Kung may katiting na gintong sana'y naisukbit,
ang lungkot na nadama'y sa saya ipagpalit.

Ang kahapo'y binalikang puno ng pangarap,
ang katiwasayan ay nais sanang malasap;
Ngunit dahil doon sa maling hagdan umakyat,
sa halip na riwasa'y sa dalita naharap.

Ang buhay na natamo'y lubhang pinagsisihan,
'pagkat bagabag sa puso'y laging nananahan.
Naisip pa man ding ng langit ay niyurakan
at pilit na pinahalik doon sa putikan.

Ang buhay nga sa mundo ay tunay na baligho,
parang gatas na matamis na naging maanggo.
Ubod-bait man, dalita yaong natatamo,
ubod-tibay pa ngang pisi, dagling napupugto.

Ang dumi sa mundong ngayo'y naglipana,
isipin man at hindi ay Diyos din ang may gawa,
Ang mga magnanakaw at sinungaling pa nga
ay 'di maitatatwang may silbi rin sa madla.

Ang dungis sa mukhang makikita lang sa dukha
ay tunay ngang may silbi at merong nagagawa.
Isipin mo kung wala kang dungis na makikita,
ang mga mariwasa'y tulad sa maralita.

Maraming nagsasabing ang Diyos daw ay maraya
'pagkat nakagapang lamang sila sa dalita
At ang mga katiting na yamang inaruga,
sa isang kisap-mata ay biglang nawawala.

Marami-rami na rin ang pating sa katihan
at babaeng marumi ang dangal at katawan.
Sa pag-ikot ng mundo 'di dapat kalimutan
na ang mga sanhi't dulot niyo'y karalitaan.

Karalitaang kung isipi'y krus na mabigat
ang isang simbolong hadlang sa mga pangarap.
Ang ibang maralita'y sa langit umaakyat
at ang ibang mariwasa ay sa lupa bumabagsak.

Ang langit sa mariwasa'y lubhang mahalaga,
kawangis ay ginto at perlas ng maharlika.
Ang mahirap naman, sa anuma'y kuntento na
basta't mabuhay lang na marangal at masaya.

Karalitaa'y pagsubok sa kaydaming tao,
para sa mayayama'y papasanin ng husto,
Sa mahihirap nama'y pampatatag ng puso
na mula sa kahapo't sa bukas patutungo.

Iba pang tagalog na tula ni Marvin Ric Mendoza:

• Dapit-hapon
Magpatuloy →

Isang Malayang Taludturan

Tula sa Tuluyan

Dulo Credit: Picture

Dulo
ni: Avon Adarna

Nag-aabang siya sa gilid
ng kiwal na kalsada,
Sa mga sandali ng buhay at pag-asa.
Hinihintay ang uugud-ugod
At ang mga ayaw nang tumugon
Sa pintig at tibok
At ang mga ayaw nang lumuklok
At tila nalimot
O sadyang madamot!

Nakaamba ang karit
Sa mapapapikit,
At siya'y mangangalabit
Isang saglit,
Wala na ang hininga,
Tila nabilaukan ang kaluluwa,
Lumulukso sa tuwa,
Ang lintek na luha -
Lumiligaya.

Alisto ka sa kanan
At kaliwang daraanan,
Mamamalayan na lamang
Na kaydali-dali
(Na kay-ikli-ikli)
Ng paglalakbay
Sa isang pikit-lumbay,
Wala ka nang buhay,
Wala ka nang malay.

Ilakbay sa daigdig
Ang pintig
Ng batas na nakasalig!
Ibaon ang galit
At pagkainggit
Mamuhay ng sapat!
Maging tapat!
Sa lahat!
Upang magluwat!

(Upang magluwat...)
Magpatuloy →

Ang Filipino ay Wikang Panlahat, Ilaw at Lakas sa Tuwid na Landas

Isang Tula Tungkol sa Wikang Filipino

wika
Ano Ito?

Ano Ito?
ni: Avon Adarna
“Ito ay espada sa anumang laban,
Lakas na sa wari’y sigla ng tanggulan,
At ilaw sa dilim nitong kapanglawan,
At gabay sa landas na dapat tawiran.”
Ang bagay na ito’y makintab sa langis,
Pinatalas noong panahong mabilis
May bahid ng digma’t mga pagtitiis,
Hinasa sa dila pati na hinagpis.

Ginagamit ito ng mga pulubi,
Sa daang mabilis at nagmamadali,
Kanyang pangungusap sa nagdaang hari,
Ay tinumbasan lang ng mapait na ngiti!

Mistulang sandata ng kalalakihan
Sa ibig na liyag na kadalagahan,
Sa puhunang laway sa nililigawan,
May asawa na pala nang magkabistuhan.

Ito ri’y kalsada ng mga pinuno,
Upang makarating sa nais na p’westo
Ibinabayubay bago pa maupo,
Sa masa na hayok sa bagong gobyerno.

Mga patalastas sa mga programa,
Ginagamit ito na lakas at sigla;
Mungkahing produkto ng isang artista,
Ang tibay at galing ay hindi naman pala.

Inaabuso rin nitong kabataan,
Sa pagkakahaling sa lamiyerdahan
Gawaing proyekto sa paaralan,
Ang sasabihin pa na siyang dahilan.

Ginagamit nitong mga talipandas,
Upang makaiwas sa hatol ng batas,
Sa pagkakagumon sa yaman at lakas,
Ito ang paraan ng kanilang pagtakas.

Ginagasta niyong mga kumaliwa,
Sumigaw sa kalyeng umayaw sa lisya,
Ngunit itong sagot sa mga problema,
Hindi naman nila lubos na unawa.

Sa musikang tugtog nitong mga kwerdas,
Hindi na marinig ang tunay na lakas.
Tila nagwari lang na isang alamat,
Simula ay ingay, gulo itong wakas.

At sa pagtitiis ng kabayanihan,
Tila nalimutan ang pinanggalingan,
Sa marmol na bato sa Kamaynilaan,
Doon lang naukit ang pinaghirapan...

Tagalog na Tula para sa Buwan ng Wika 2011

Previous Posts:

Original na Tagalog na Tula
Dapithapon
• May Sukat at Tugma
Magpatuloy →

Submitted Poem 1 - Dapit-hapon

Mga Tagalog na Tula sa Pilipinas 

Submission Corner

Dapithapon

DAPIT-HAPON
ni: Marvin Ric Mendoza

Isang dapit-hapong madilim ang langit
Puno ng pangamba itong aking isip
Ang aking paligid ay lubhang tahimik
Habang si dilim ay marahang sumapit.

Sa dagat,si araw ay nagkulay pula
Simbolo ng paalam sa sinisinta
Ang liwanag sa bayan ay aalis na
Kung kaya nakahanda ang bawat isa.

Itong si gabi naman ay lalatag na
Tinatakpan ang pangit man o maganda
Kahit maaagap at masisipag pa
Pagdilim ng langit ay namamahinga.

Sa pagpinid ng bintana’y natanaw ko
Ang isang kandilang may sinisimbolo
Pinag-iisip ko at pinagtatanto
Kung ano ang halaga sa’king puso.

Madilim ang gabi’t walang maririnig
Maliban sa awit ng mga kuliglig
Ang simoy ng hangin ay sadyang kaylamig
Habang naghahatid ng magandang himig.

Habang hinihintay ang bukang-liwayway
Naisip ko na ang gabi ay kaytagal
Sa dilim ng gabi’y kayraming pinaslang
Pagpikit ng mata’y kayraming namatay.

Bukas ay sisikat na muli ang araw
Subalit tiyak kong ako’y mamamanglaw
Ang kandilang kagabi’y aking namasdan
May pag-asa pa bang muling matatanaw?

Sa silangan, si araw ay namumuhunan
At sa kanluran naman namamaalam
Kaya ang taong lupa ang sinibulan
Ay tiyak na may langit ding makakamtan.

Ang nais ko sana’y laging maliwanag
Laging ilaw ang mababanaag
Ako’y kurus na sa lupa’y humahalik
At lumuluhod sa gintong mga tinik.

Ang umagang kayganda’y muling lilipas
At isang dapit-hapon ‘yong mamamalas
Sa bagay na’to’y walang makaiiwas
‘pagkat ang Diyos natin ang s’yang nagsabatas.

Kaya iyong masdan itong aking palad
Ang kapalaran ko ay dito nakasulat
Ang karangalang sa aki’y igagawad
Marahil sa hukay ko na matatanggap.

Ang katawan ko’y sa lupa ililibing
Sakaling dapit-hapon sa’ki’y darating
Ngunit ang buhay ko’y magiging bituin
Na sa taas ng langit ay magniningning.

Ang lahat ng buhay ay may dapit-hapon
Ang mga gunita’y ating tinitipon
Kung sakaling bukas ay ‘di na babangon
Tayo’y kandilang sa kamay na ng Poon...

Note: Ang tagalog na tula ay inilathala sa pahintulot ng sumulat. Ito ay pinatunayan niyang kanyang original na tula at sinumang nagnanais na siya'y makontak, magpadala ng mensahe sa mendozamarvinric@yahoo.com.

Magpatuloy →

Orihinal na Tula sa Tagalog

Mga Halimbawa Ng Mga Tula Na May Sukat At Tugma

Lalo lang madaragdagan ang mga problema mo kung ang kakaibiganin mo ay alak.

Bukas, balik ulit siya sa dati niyang problema, at nadagdagan pa!

Si Problema
ni: Avon Adarna

Hindi malulunod sa alak o toma,
Magaling na swimmer itong si Problema,
Bumaha man ng Gin o The Bar at Grand Ma,
Tatawanan ka lang hanggang sa magsuka!

Pagkat dalubhasa’t napakatalino,
Sa paggawa niya ng sakit ng ulo,
Si Problema’y expert at lalo ngang tuso,
Kapag nakikitang luha’y tumutulo.

Dadagdagan pa ang kumplikasyon,
Kapag nanghina ka sa kunsumisyon,
Itong simpleng bagay na may isang tanong,
Magiging sandaa’t malala ang hantong!

Huwag mong lubusin na maipakita,
Ang kahinaan mo kung nakabulagta,
Bumangong mainam sa pagkakadapa,
At i-face to face mo - lintek na problema!

Maging wais naman sa nilalakaran,
Ilingap ang mata sa lubak na daan
Kung mayroon kang pinagdaraanan,
Huwag kang tumambay, dumaan ka lamang.

Ilingon ang ulo, idilat ang mata
At dapat hasain ang utak at sigla,
Upang ang problema’y agad na mawala,
Utak paganahin, kamay ay igawa!

Iba pang tula:

Dasal na Tagalog
Halimbawa Ng Tulang Pag-Ibig
Tula Tungkol sa Kalikasan
Magpatuloy →

Halimbawa ng Tula na May Sukat at Tugma

Ang tula ay may labindalawang (12) pantig sa bawat taludtod (line) at may apat na linya sa bawat saknong (stanza).

Sa Huling Silahis
Credit: Image

Sa Huling Silahis
ni: Avon Adarna

1
Inaabangan ko doon sa Kanluran,
Ang huling silahis ng katag-arawan,
Iginuguhit ko ang iyong pangalan,
Sa pinong buhangin ng dalampasigan.

2
Aking dinarama sa hanging habagat,
Mga alaala ng halik mo’t yakap,
Sa bahaw na simoy ng pagkakasangkap,
Ay nagdaang samyo ng iyong paglingap.

3
Ginugunam-gunam, sinasaklit-anyo,
Ang iyong larawan at mga pagsuyo,
Ang lungkot ng diwa’t dibdib pati puso,
Sa kutim na ulap nakikisiphayo!

4
Sa pag-aagawan ng araw at buwan,
At pagkapanalo nitong kadiliman
Ay nakikibaka ang kapighatian,
Sa pangungulila sa iyong pagpanaw.

5
Ang iyong pag-iral, hindi na babalik,
Kahit na ako’y lubos na tumangis
Pag-ibig na lamang na igting na nais
Ang makakapiling sa huling silahis.
-
Isang halimbawa ng tagalog na tula na may sukat at tugma na tungkol sa isang pag-ibig na sawi dahil sa kamatayan.

Iba Pang Uri ng Tula

• Tula na Pambata
• Pasalaysay Na Tula
• Tula sa Malayang Taludturan
Magpatuloy →

Tagalog na Tula na Pambata

Halimbawa ng Pambatang Tula

Mayon Volcano
Kaygandang Pilipinas

Kaygandang Pilipinas!
ni: Avon Adarna

Sagana ang bansa sa likas na yaman,
Ang ginto at tanso ay nasa minahan,
Makakakuha rin, batong kumikinang
Sa gilid at gitna nitong kabundukan.

Magandang tanawin sa mga probinsiya,
Sa Luzon, Visayas at Mindanao nga,
Pumaitaas man o dakong ibaba,
Masisilayan mo’y tanawing may sigla.

Pagudpud sa Norte’y ipagmamalaki,
Ang mga turista ay mabibighani,
Itong Hundred Islands na nakawiwili,
Tiyak na ang lungkot, doon mapapawi.

Pumunta sa Baguio sa taas ng bundok,
Tiyak na kikilig sa lamig ng pook,
Sagada’t Banaue huwag mong ilimot
Sa mga bisita ay ating itampok.

Sa Boracay Island, tila paraiso,
Sa Cebu at Bohol, ikaw ay magtungo
At kung mapagod, huminga ng todo,
Kumain muna nga nitong halo-halo.

Humakbang ng konti, sa Mindanao naman
Itong Huluga Caves sa s’yudad ng Cagayan,
Sa Davao naroon ang tayog ng bayan,
Ang Bundok ng Apo na nagmamayabang.

Mga mamamayan, kulay kayumanggi,
Sa tuwina’y galak, sa iyo’y babati,
May halakhak pa’t luksong mga ngiti
Mga Filipino’y lagi nang mabunyi.

Kung kakain man ay aanyayahan,
Ang sinumang tao sa hapag-kainan,
Anumang pagkain ay pagsasaluhan,
May tuwang susubo asin man ang ulam.

Kahit na mahirap ang mga gawain,
Sa dagat, sa lupa at mga bukirin,
Tiyak matatapos bago pa dumilim
Mga Filipino’y hindi man dadaing.

Ang bansa kong ito, bansang Pilipinas,
Na ang katangia’y may sigla ng gilas,
Sinumang sasakop at magmamataas,
Aking itataboy, hinga ma’y mautas.

tags: filipino poems, tulang pambata
Magpatuloy →

Tanaga na Tula ng mga Filipino – Mga Halimbawa

Ang TANAGA ay isang uri o porma ng tagalog na tula na may 4 na taludtod, binubuo ng pitong pantig sa bawat taludtod at naglalaman ng isang diwa ng makata. Kadalasan itong nagtataglay ng isang tugmaan, a-a-a-a ngunit ang mga makabagong tanaga ngayon ay kakikitaan na rin ng mga tugma na inipitan - a-b-b-a, salitan - a-b-a-b at sunuran a-a-b-b. Ito ay bunga ng pagiging malikhain ng mga Filipino at pagnanais na mapaunlad at madagdagan ang ating mayaman nang kultura, sining at literatura.

Magsikhay ng mabuti...

Mga Halimbawa:

KURAKOT
Inumit na salapi
Walang makapagsabi
Kahit na piping saksi
Naitago na kasi.

MATAAS PA
Itong dumapong langaw
Sa tuktok ng kalabaw
Ay tiyak masisilaw,
Sa sikat na tinanaw.

SIPAG
Magsikhay ng mabuti
Sa araw man o gabi
Hindi mamumulubi
Magbubuhay na hari.

SLOW
Hindi ko rin malaman,
Hindi maunawaan
Mapurol kong isipan,
Isalang sa hasaan.

TUNAY NA YAMAN
Ako ay Filipino
Kulay tanso ng mundo
Ngunit tunay kong ginto
Nasa aking sentido.

PIPI
Puso ko’y sumisigaw
May bulong na mababaw,
Hindi naman lumitaw
Tinig ko’t alingawngaw!

FILIPINO
Tagalog ang wika ko
Hindi sikat sa mundo
Ngunit lantay at wasto
At dakilang totoo.

IKAW LANG
Dasal ko sa Bathala
Sana’y makapiling ka
Sa luha ko at dusa
Ikaw ang aking sigla.

PASLIT
Maraming mga bagay,
Na sadyang lumalatay,
Isip ko’y walang malay,
Sa hiwaga ng buhay?

TANAGA
Ang tanaga na tula
Ay sining at kultura
Tatak ng ating bansa
Hanggang wakas ng lupa.
Magpatuloy →

Tula - Pabalik-balik

(isang tagalog na tula sa Pilipinas tungkol sa mga alaala ng lumipas)

Pabalik-balik


PABALIK-BALIK
ni: Avon Adarna

DAPLIS ng panahong agad na DUMAPLIS,
BALIK ang kahapong kusang BUMABALIK,
HALIK ng lumipas sa diwa’y HUMALIK,
BAKIT nagtatanong kung saan at BAKIT?

SAAN nga nagmula at kung hanggang SAAN?
Ang TANONG na laging itsang KATANUNGAN,
MALALAMAN ko ba at IPAAALAM,
SAGOT na mailap, gustong KASAGUTAN?

NILALARO pa ng diwang MAPAGLARO,
TULIRONG paglimi na kahapo’y TULIRO,
TUMIMO sa dibdib ang sakit na TUMIMO,
NAGLABO ang luha sa matang MALABO!

NAGSISI ng lubos, ako ang SINISI,
NANGYARI sa buhay at bakit NANGYARI,
SAKSI itong langit at iba pang SAKSI,
KALAHATING buhay, kulang KALAHATI!

MALILIMOT ko ba’ng ibig KALIMUTAN,
MAWALA na sana gunitang KAWALAN
Nang MAPAHINGA na sa KAPAHINGAHAN
PAGAL na katawan, dustang KAPAGALAN!

HANGGANG sa makita itong huling HANGGAN,
MAGWAKAS ang lahat nitong KAWAKASAN
Ang DUSANG dumating at PINAGDUSAHAN,
MALIMOT nang husto’t ngayo’y MALIMUTAN!

Paglalarawan: halimbawa ng tagalog na tula na halos may magkaparehong salita sa una at huling bahagi ng isang taludtod, tula na may may (12) labindalawang pantig sa bawat taludtod.
Magpatuloy →

Tula Tungkol sa Kalikasan

Halimbawa ng tula tungkol sa kalikasan.
(Example of Filipino Poem about nature.)

Tayo ba ang sumisira sa ating kalikasan?

Sirang Kalikasan

Kalikasan – Saan Ka Patungo?
ni: Avon Adarna

Nakita ng buwan itong pagkasira,
Mundo't kalisakasan ngayo’y giba-giba,
Ang puno – putol na, nagbuwal at lanta,
Ang tubig – marumi, lutang ang basura.

Nalungkot ang buwan sa nasasaksihan,
Lumuhang tahimik sa sulok ng damdam,
At nakipagluhaan sa poong Maylalang,
Pagkat ang tao rin ang may kasalanan.

Ang hanging sariwa, bilasa na ngayon,
Nasira ng usok na naglilimayon,
Malaking pabrika ng goma at gulong,
Sanhi na ginawa ng pagkakataon!

Ang dagat at lawa na nilalanguyan
Ng isda at pusit ay wala nang laman,
Namatay sa lason saka naglutangan,
Basurang maburak ang siyang dahilan!

Ang lupang mataba na bukid-sabana,
Saan ba napunta, nangaglayag na ba?
Ah hindi… naroon… mga mall na pala,
Ng ganid na tao sa yaman at pera.

Mga sapa at ilog sa Kamaynilaan,
Ginawa na ng tao na basurahan,
At kung dumating ang bagyo at ulan,
Hindi makakilos ang bahang punuan.

Ang tao rin itong lubos na dahilan,
Sa nasirang buti nitong kalikasan,
At darating bukas ang ganti ng buwan,
Uunat ang kamay ng Poong Lumalang!

tags: kalikasan tagalog poem
Magpatuloy →

Isang Tagalog na Tula | Pasalaysay

Halimbawa ng isang Tula na Pasalaysay

Alalahanin: Huwag mong gawin sa kapwa mo ang mga bagay na ayaw mong gawin sa iyo.

pekeng gamot
Huwag Padaya.
Buy and Sell ang Raket ni Itay
ni: Avon Adarna

Buy and sell ng gamot
Ang trabaho ni Ama,
Na malilinawang
Siya’y tagabenta,
Bibili muna,
Sa isang Hapon
Sa Ermita
Ng gamot at mga bitamina,
At saka ibebenta,
Sa mga suki niya.

Buy and sell ng gamot,
Ang raket ni Ama,
At siya’y kumikita
Sa gawaing tagatinda,
Ngunit mag-ingat ka
Sa kanyang ibinebenta,
Lahat ng ito’y
peke naman pala.
Tubig lang at asukal
Lalagyan na ng timpla.

Buy and sell ng gamot
Ang gawain ni Ama
Nakukuha ng mura.
Sa Hapon na pabrika,
Binibili niya ng barya
Ilalako ng laksa
Sa utu-utong madla
Kahit peke naman pala,
Pati na kaha
hanggang karatula,

Buy and sell ng gamot
Ang ipinagyayabang ni Ama,
Ngunit ‘di naman alam
Nitong aking ina,
Nakatago sa kanya
Peke naman pala
Hindi nagtatanong,
Basta masaya na siya
Sa abot na intrega,
Na galing sa bulsa
Nitong mga tanga!

Buy and sell ng gamot,
Ang propesyon ni Ama,
Ito ang alam niya,
Na trabahong maganda
Ngunit ang ‘di alam ni Ama
May diabetes si Ina
At lihim din sa kanya
Nitong aking Ina
Na umiinom ng gamot
Na peke naman pala

Buy and sell ng gamot,
Ang career ni Ama,
Ngunit lihim lamang
Na peke naman pala
May lihim din naman
Itong aking Ina
Diabetes niya,
Tila lumalala
Sa pag-inom niya
Ng gamot na tinda ni Ama.

Buy and sell ng gamot
Ang gusto ni Ama,
Asukal na pula
Tubig at arina
Ang tanging laman
Ng gamot na tinda
Na ngayon ay kasama
Ng namatay kong Ina
Sa ataul na utang pa
Sa Hapon sa pabrika!

-mga tagalog na tula

Photo Credit: fakemed.com

Tags:
tula filipino
Magpatuloy →

Example ng Filipino Poem para sa Anak

Halimbawa ng tula para sa anak na may kaarawan.

Credit Picture


Maligayang Kaarawan, Anak!
ni: Avon Adarna

Tanda ko pa noong ika'y ipanganak,
Akala ko'y anghel - sa lupa'y bumagsak,
Ngunit nang magbalik ang aking ulirat,
Ikaw pala iyan na nagbigay-galak!

Nagpapasalamat sa Diyos na tunay,
At ikaw ang anak, siyang ibinigay,
Wala ngang pagsidlan ng tuwang sumilay,
Mula ng lumabas ay naging makulay!

Lumaki kang bitbit itong kabaitan,
Maalalahani’t luksong kasipagan,
Kahit na nga tiyak na paminsan-minsan,
Ay may taglay-taglay bibong kakulitan!

Maligayang kaarawan ang sigaw kong bati!
Alagaan itong kalusugang mabuti,
Huwag pabayaan ang iyong sarili,
Upang magtagal pa ang buhay at liksi!

Kaya nga kailangan ang pagkain ng gulay,
Siyang bitamina’t sustansya ang alay,
Uminom din naman ng gatas na bigay,
At humigop nitong mainit na sabaw.

Wala akong ibang mahihiling sa iyo
Kundi maging isang tunay kang tao,
Huwag gumaya sa mga itim na oso,
Maging tuwid ka at maging totoo!

Mag-aral mabuti, huwag tatamad-tamad,
Ang gising - maaga at huwag na tumulad,
Sa bagal na kilos at kukupad-kupad,
Upang kinabukasan ay maging mapalad!

Maglalaho rin ang mga problema,
Na siyang hinaharap ng tulad mong bata,
Alamin ang sagot sa nakakatanda nga,
Kunin ang sagot sa ama at ina!

Sundin ang magulang na siyang nagpapala,
H’wag munang isipin ang pag-aasawa,
Darating din naman ang dalagang tama,
Upang mahalin ka ng tamang dakila!

Kung may suliranin sa buhay na ito
Huwag mag-atubiling kumuha ng payo,
Sa abot ng kamay at makakaya ko,
Tutulungan kita sa simula’t dulo!

Ilagi sa isip na narito kami,
Nagmamahal sa iyo sa araw at gabi,
Kapag nagkulang ka ng pera't salapi,
Iyon ang problema, walang masasabi!

Happy Birthday, Anak!

tags: 
filipino poem
Magpatuloy →

Isang Tula Para sa Bansa

Example of Filipino Poem

Saganang pagkai’t mga pangisdaan...
Pilipinas, Ikaw ang Aking Bansa!
ni: Avon Adarna

Sa hitik na yaman nitong kalikasan,
Hindi magugutom, hindi magkukulang,
Pilipinas na Ina ng mamamayan,
Kumakandili nga sa buting kandungan.

Ang mga dagat at kailaliman,
Saganang pagkai’t mga pangisdaan,
Ang lalim na tubig na asul sa kulay,
Ay siyang panlinis sa lupang katawan.

Ang mga gubat na hitik sa bunga,
Ipantawid-gutom sa kalam ng bituka,
At pati hayop sa dulong kabila,
Nabubusog din at nagpapakasawa!

Ang mga lupa sa luntiang bukid,
Ay pakikinabangan kapag pinilit,
Magtanim lamang ng palay o mais,
At tiyak na kakain sa oras ng gipit!

Mahalin ang bayan saan man pumunta,
Ipagtanggol nga sa dayuhang bansa,
Ibiging mabuti at maging malaya,
Upang manatili ang Inang dakila!

Ang tula ay alay sa mahal na bansa,
Pagkat ako’y kanyang inaaruga,
Itong Pilipinas na bayan ko’t ina,
Mamahalin ko saan man pumunta!
Magpatuloy →

Tula in Filipino Tungkol sa Pag-ibig

Halimbawa ng Isang Tagalog na Tula Tungkol sa Pag-ibig

Ang dakila't wagas na luksong pag-ibig...
Hayan sa Pag-ibig!
ni: Avon Adarna

Heto’t iaanak, didito sa dibdib,
Ang dakila't wagas na luksong pag-ibig,
Pagsalitain dito ay hindi ang bibig,
Bagkus ay ang pusong may alsa ng pintig.

Patibukin lamang ang kanan, kaliwa,
Saka isalamin itong kaluluwa,
Kaya bang hamigin -- halakhak at tuwa,
Kung may palag namang dusa't mga luha?

Pigilin ang hinga't makipaghabulan,
Sa mundong ang ikot - singbilis ng orasan,
Lumaya sa gapos ng puso’t isipan,
Kadena'y kalagin, lipad sa ulapan!

Kung iyong nais at mamatamisin,
Iikid nang husto ang taling gupiling,
Ipakalimi mo nga ang lasang alipin,
Kagyat na manhik sa hagdang may kawing.

At huwag kalagin ang bugkos na tali,
Ikilos ang tula sa kislap ng gabi,
At kahit ang tali'y sagad na maigsi
May hihilahin kang pag-ibig sa bunyi!

'Pagkat iba't iba ang guhit ng palad,
Ang lubak mo'y baka hindi niya lubak,
Isiping mainam - hindi magkatulad,
Ang lubid ng iba'y iba ang may hawak!

Iyong makikita ang mga pagkaway,
Kung nakatingin ka sa dulo ng gabay,
At ang ngiti nila't mga bulay-bulay,
Hayaang ilibing ng layang mabuhay!

- mga tagalog na tula tungkol sa pag-ibig
Magpatuloy →

Tula Tungkol sa Paniniwala sa Pilipinas

Paglalarawan: tula tungkol sa mga maling paniniwala na ipinamana ng mga dayuhan, tagalog na tula na parang isang kanta.

(isang tagalog na tula tungkol sa relihiyon)


MERON-MERONG LINTA
Ni: Avon Adarna

Meron, merong linta,
Nagbahay sa bansa,
Dalang ebanghelyo,
Peke naman pala.

Pagdating nga dito,
Dumami na sila,
Hayan, hayan, hayan,
Parang magkukuta.

Meron, merong linta,
Wasak ang adhika,
Niloloko nito
Mga Pilipino.

Ulol na propeta,
Wala nang pag-asa
Kapos na magbago,
Kawawa lang tayo!

Meron, merong linta
Ginto ang ninasa
Gusto nila’y buto
Parang mga aso.

Walang kabusugan
Butas yata ang tiyan,
Kaya nanloloko,
Bundat at empatso!

Mensahe galing sa makata: Ginawa ko ang tula na ito upang magsilbing palaisipan sa kanila na hindi lahat ng mga isinusubong paniniwala at pananampalataya ng mga dayuhan ay tunay at walang bahid ng pananakop. Sana po ay maunawaan ninyo ang tagalog na tulang ito. Maraming salamat po.
Magpatuloy →

Tula Tungkol sa mga Bayani ng Lahi

Paglalarawan: anyo ng tagalog na tula na malayang taludturan, tula sa tuluyan, poem about unsung heroes, Philippine poems.


NALIMOT NA KASAYSAYAN
ni: Avon Adarna

Sa lapidang nilulumot
Ng mga bayani ng bayan,
Dito na lamang masisilayan,
Kanilang mga ipinaglaban.

Sa letra na lamang makikita
Ang kanilang mga simulain
Na hindi ipinagkait
Sa bayang marikit.

Sa malansang mukha na lamang,
Ng salapi natin masusumpungan,
Ang mga prinsipyo ng panahon
Na natabunan ng kahapon.

Sa lalim na lang ng mga ukab na semento
Ng simbahan at munisipyo,
Matatanaw ng malaya,
Ang kanilang pakikibaka.

Sa bibig ng hangal na historyan
Maririnig ng malamig
Ang kanilang mga tinig,
At ang mga daing at hinagpis.

Sa salitang namutawi
Ng mga lolo at lola,
Mababanaag ang liwayway
At ipinuhunang buhay.

Sa agos na lamang ng lumipas,
Makakapiling ng maigting
Ang kanilang pagpupunyagi
Na maituwid ang mali.

Sa rebultong nilulumot,
Doon na lamang umaamot
Ng kapiranggot na halaga
Upang maihambog doon kay Bathala!

Mensahe galing sa makata: mraming mga byani ang nkalimutan na ng mga kabataan. Kaya ginawa ko ang tula na ito. tnx. bye. -avonA!
Magpatuloy →

Followers

Mabuhay! Welcome to "Mga Tagalog na Tula sa Pilipinas | Filipino Poems in the Philippines! Here in this blog, you will find a collection of original tagalog poems. Please, feel free to browse at our archive. Thank you! -avonadarna

Blog Archive